Nagsimula ang Kristiyanismo sa Asya simula pa noong buhay pa si Hesus. Nanirahan at nagturo siya noong unang siglo KP sa lalawigan ng Judea sa Imperyong Romano (ngayo'y Israel at Palestina). Matapos ng kanyang kamatayan, ipinagpatuloy ng mga apostol niya ang pangangaral sa mga karatig-lugar, simula sa Lebante at sa mga lungsod ng Herusalem at Antiokia. Kalaunan, umabot ito hanggang sa tangway ng India at sa Tsina. Gayunpaman, unti-unting nahati ang relihiyon dahil sa samu't saring interpretasyon sa teolohiya. Kabilang sa mga kumalas sa pangunahing sekta ng relihiyon ang Nestorianismo, na nagsimula nang patalsikin ng mga arsobispo sa Unang Konsilyo sa Epeso noong 431 KP ang arsobispo noon ng Konstantinopla na si Nestorio. Ang partikular na sektang ito ang unang lumaganap sa kontinente ng Asya, nang nakaabot ito sa Gitnang Asya hanggang sa Tsina at sa Imperyong Mongol sa Malayong Silangan noong 1300s. Gayunpaman, di nagtagal ang mabuting pakikitungo nito, at nakaranas ang relihiyon ng persekusyon mula sa mga sumunod dinastiya at imperyo sa lugar. Noong Panahon ng Pagtuklas, unang dumating ang Kristiyanismo sa Pilipinas. Umabot din ang relihiyon sa Korea noong 1700s papuntang 1800s.
Pilipinas ang nangungunang bansa sa Asya pagdating sa dami ng mga Kristiyano, na tinatayang nasa 84 milyon. Samantala, Silangang Timor naman ang nangunguna sa bahagdan ng populasyon na Kristiyano, na nasa 99.6%. Malaki rin ang populasyon ng mga Kristiyano sa Siberia ng Rusya, sa Armenya, ang unang bansang Kristiyano, at gayundin sa Tsipre at Heorhiya. Nananatili pa rin isang malaking isyu ang persekusyon sa mga Kristiyano sa kontinente, lalo na sa Tsina, India, Gitnang Silangan, at Hilagang Korea.